Isang Engineer nagbitiw sa kanyang trabaho naging isang Fish Breeder ngayon kumikita ng malaki
Ang pagkakaroon ng trabaho mula alas-9 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon ay talaga namang nakakaubos ng lakas, oras at pasensiya lalo na kung maliit ang iyong sahod at pahirapan pa ang pakikisama sa mga katrabaho at sa amo. Marahil ito ang nagtulak kay Mohd Fajiha Alaihis upang iwanan niya ang kanyang trabaho bilang isang inhinyero sa isang matatag na kompanya kung saan siya ay kumikita ng halagang P19,000 kada buwan o RM1,500. Batid ng batang inhinyero na hindi sasapat ang kanyang kinikita upang masuportahan ang kanyang pamilya dahil sa sarili pa lamang niya ay kinakapos na ito.
Kung kaya naman nakahanap siya ng ibang paraan upang kumita ng pera. Nagsimula ang kanyang tagumpay nang ang kanyang kapatid ay bumili ng magandang klase ng “parent fighting fish” na sinubukan niyang palahian. Naisip niyang maaari pa niya itong gawin upang kumita ng mas malaking halaga ng salapi. Sa isang iglap ay kumita na siya nang RM600 o P7,700 nang ibenta niya ang unang anak ng kanyang alaga sa Singapore.
Dahil sa kumita agad siya ng 1/3 ng kanyang buwanang sahod ay nagsumikap pa siya lalo na maging mahusay sa pinilli niyang larangan. Sumailalim din siya sa ilang pagsasanay upang mas mapalawak pa ang kanyang kaalaman sa pagpapalahi ng isda. Sa ngayon ay nagpapalahi at nagbebenta na rin siya ng betta fish tulad ng Halfmoon, Halfmoon Plakat, Dumbo, and Veil Tail.
Ang mga lahi na ito ay may mataas na demand sa bansang Thailand at Singapore kung kaya naman mas naging mataas pa ang kanyang kinikita. Sa katunayan kahit iisa pa lamang ang kanyang tindahan na mayroong higit 8 libong uri ng betta fishes ay nagkaroon na siya ng “five-figure income”. Ito ay malaking halaga kumpara sa kanyang sweldo dati bilang inhinyero na RM1,500. Siya ang “chairman” ng Malysian Fighting Fish Club. Bukod sa pagbebenta at pagpapalahi ng betta fish, siya ay isa ring guro sa mga taong nagkaroon ng inspirasyon dahil sa kwento ng kanyang tagumpay.